2017 02 Navarro - Layout File PDF

Download as pdf or txt
Download as pdf or txt
You are on page 1of 24

Apat na Taong Pagsikat ng

Nakapapasong Araw:
Musika sa Filipinas sa Panahon
ng Hapon, 1942–1945
Raul Casantusan Navarro
World War II in the Philippines was as much a treacherous mind game as it was physical. While it brought
almost total devastation to the cultural heritage bequeathed by the country’s colonial past, it sought to
create, albeit in the spiritual-emotional realm, a template of Asian-ism that the Filipinos were to live by
as a supposed member of the Imperial Japan-colonized Greater East Asia Co-Prosperity Sphere. Songs,
organizations, programs, speeches, religion and many other activities and things that could be used to
sway the Americanized Filipino psyche were employed in this devastating “game of thrones”.

This study questions how music and related propaganda materials were used to pacify and control
the conquered Filipino nation. Music, to a degree, was symptomatic of the progress of the occupation,
from the initial settling down of the Japanese soldiers to the seemingly quiet acceptance of many
locals in occupied areas. In these stages of the war, imposed music crept into the consciousness of the
conquered—from Japanese children’s songs at the basic education level to the concert platforms with
music composed by Filipino musicians heralding the Greater East Asia Co-Prosperity theme.

Keywords: World War II, Greater East Asia Co-Prosperity Sphere, Music, Propaganda, Philippines

Ang diskursong Lupalop ng Magkakasamang Kasaganaan sa Lalong Malaking Silangang Asya (o


Greater East Asia Co-Prosperity Sphere) ng bansang Hapon ay kinapapalooban ng inisyal na pisikal at
biyolenteng pananakop, panahon ng kooperasyon, ng kawalang-tiwala, at muling pagbawi sa “kalayaan”
mula sa bagong panginoon (sa tulong ng naunang panginoon, Amerikano). Sa iba’t ibang estadong
ito ay naging aktibo ang mananakop sa paghimok sa Filipino para sa lubos na pagtanggap nito sa
pagbabalik sa kulturang Asyano at pagtakwil sa nakagawian nitong kanluraning kamalayan.

Mula sa paglalabas ng mga batas na may kinalaman sa pagbabagong kultura ng Filipino, hanggang
sa epekto nito sa mismong produksiyong kultural na naging talaan ng kasaysayan ng panahong ito,
ang musika ay isa sa ginawang sentro ng diskursong mapanakop ng bansang Hapon. Maaaring tingnan
ang musika sa panahong ito sa aspektong politikal, makabayan at/o maka-Hapon. Hindi maitatangging
naging kasaliw ang musikang likha ng Filipino sa pagbuo ng “Bagong Filipinas”—“Awit sa Pagbuo ng
Bagong Filipinas,”“Dai-Atiw ng Kalibapi,”“Awit ng Makapili,” at iba pa.

Susubukang tingnan sa saliksik ang diskurso at kontra-diskursong “makabayan” para at laban sa Hapon
ayon sa inilatag na mga batas, institusyon, at mga personalidad na naging aktibo sa pagsakop sa bansang
Filipinas sa ilalim ng Greater East Co-Prosperity Sphere.

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 1 - 24


“Walong sulok ng daigdig sa ilalim ng iisang bubong.”
--Hakkō Itiu [Ichiu]1

Sa loob ng mahabang panahon ng magkasunod na pananakop ng


Espanya at Amerika sa Filipinas ay naging kanluranin ang oryentasyong
kultural ng Filipino. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kabilang
ang bansang Filipinas sa mga sinakop ng imperyalistang Hapon. Iba’t iba
ang antas ng pakikialam ng administrasyong militar ng Hapon sa bawat
bansang sinakop nito. Depende ito sa lalim at lawak ng pagka-Kanluran
ng kamalayang pilit na hinubog sa ideolohiyang Greater East Asia Co-
Prosperity Sphere (GEACPS) o Lupalop ng Magkakasamang Kasaganaan
sa Lalong Malaking Silangang Asya2. Ipinamukha ng Hapones sa Filipino
na nilimot na ng huli ang Asyanong batayan ng kaniyang kultura. Sapilitan
at opisyal na inendoso ang paghahanap sa Asyanong nakaraan sa tabon ng
sapin-saping kultural na imposisyon ng mga naunang mananakop. Kung
tutuusin, dayuhan na nga sa Filipino ang nakaraang Asyanong ugat niya
dahil wala na halos siyang alaala nito maliban sa mga akademikong saliksik
na sinimulan sa mga unang taon ng pananakop ng bansang Estados Unidos
na nagrurok naman, sa aspektong pangmusika at sayaw, nang buuin ng
administrayon ng Pangulong Jorge Bocobo ng Unibersidad ng Pilipinas ang
komite na mangangalap ng katutubong sayaw at awit sa kapuluan bandang
1930s.

Fig. 1. Halimbawa ang mga imahen. Isang monograpo na nakasulat sa iba’t ibang lokal na wika.
(“Kapayapaan at Kalayaan,” n.d.).

Mabigat ang naging tulak sa pagbawi sa katutubong kultura at paggamit


ng mga lokal na wika kasabay ng pagpilit sa pagkatuto ng kamalayan at
wikang Nihongo na siyang itinalagang opisyal na diskurso sa loob ng
GEACPS. Ang mga opisyal na komunikasyon sa pamamagitan ng mga

2 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


limbag na monograpo, poster, mga anunsiyo, at musika ay mga halimbawa
lamang ng aplikasyon ng proyektong pagbabagong-kamalayan sa ilalim ng
paggabay ng administrasyong militar ng Hapon sa Filipinas.
Malimit na babanggitin ang GEACPS sa iba’t ibang bahagi ng sanaysay
dahil ang buong pananakop ng Hapon sa Silangang Asya ay nakapaloob
at batay sa ideolohiyang ito, at bawat aktibidad sa mga sinakop na bansa,
magkaiba man—sa aspektong pisikal/espiritwal/kultural—ay tinangkang
dalisayin sa ilalim ng adhikaing binanggit.
May iba’t ibang yugto ang pananakop ng Hapon sa Filipinas. Ang
inisyal na daluyong ng digmaang Greater East Asia sa lipunang Filipino ay
kinapapalooban ng pisikal at biyolenteng pagsalakay, sinundan ito ng iba’t
ibang paraan ng paghimok tungo sa “Asyanong” kolonyalismo—panahon
ito ng iba’t ibang uri ng propaganda at kolaborasyon, ng matinding takot,
ng pilit na paglikha ng impresyon na nagbalik na sa normal ang buhay sa
lipunan, at ng pagbibigay ng (huwad na) “kalayaan” sa ilalim ng parehong
nanakop na Hapon at ng magbabalik na Amerikano.
Ang saliksik ay isang panimulang pag-aaral ukol sa kampanyang kultural
ng imperyalistang Hapon sa Filipinas, partikular ang papel ng “gunka” o
awit-pandigma at ilang lokal na awit sa kampanyang paksa.

Bukang-Liwayway
Ang umaga ng ika-8 ng Disyembre 1941 ay kakaiba sa mga nagdaang
umaga. Ito ang araw na hindi inaakala ng sangka-Filipuhan na darating at
magkakatotoo—ang pananakop ng Hapon at ang digmaang sinimulan nito
sa Manchuria laban sa Tsina noong dekada 1930s. Nasa pampang na ng
bansang Filipinas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Mahigit tatlong
taong sasakupin ng imperyong Hapon ang bansang Filipinas simula ika-2
Enero 1942, nang nagmartsa papasok ng Kamaynilaan ng puwesang militar
Hapon, hanggang ika-23 ng Pebrero, nang matalo sa nawasak na Intramuros
ang mga Hapon (Mojica, 1965, p. 1).
Ang mga unang buwan ng pananakop ay nakatala sa awit na “Hitoo
Hakengun No Uta” o “Ang Awit ng mga Hukbong Hapon sa Filipinas.” Ang
awit ay isang uri ng gunka. Narito ang unang tatlong saknong nito mula sa
Music Book Series, No. 1 (n.d.):
HITOO HAKENGUN NO UTA
(“The Song of the Japanese Forces in the Philippines”)
Titik: T. Korehi
Musika: K. Hinomizu

O’er the vast expanse of southern skies,


With silver wings in bright array,

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 3


Flew the warbirds of Nippon.
On Nielson, Nichols, Clark they swooped,
Crushed in flash those “flying forts”
And those P-40 fighter planes.
Oh! Glorious victory.
Hundreds of ships, majestic fleet,
Plough through rough seas toward Luzon Isle.
Came down and then on palm-lined shores,
‘Spite rain of bullets, hail and steel,
Sprang forth our well-trained landing force.
Relentless, swift, and on we pass’d.
Oh! Glorious drive on Manila!
In virgin jungles untouch’d by man
Vales and chasms, through night and day,
Resounded to loud cannon-bursts
And clutter of machine-gun fire.
The foe gave way and on we rush’d
The Mariveles which fell so soon.
Oh! Glorious battle of Bataan! (n.p.)
Ang “Awit ng mga Hukbong Hapon sa Filipinas” ay isang paglalahad
sa mabilis na pananakop sa kapuluan at sa mas mahalagang pagpapatalsik
sa puwersang Amerikano at Britanya sa Silangang Asya. Alalahanin ang
“blitzkrieg” o ang mala-kidlat o mabilis na pananakop ng bansang Alemanya
sa Poland, Austria, Hungary, atbp. Ganito rin ang taktikang ginamit ng
Hapon sa pagsalakay sa mga bansang hindi handa sa kanilang imposisyong
militar—Singapore, Malaysia, Indonesia, Thailand, Myanmar [Burma], at
Filipinas.3
Paksa ng awit ang mala-daluyong na pagbagsak ng mga bomba sa mga
instratehikal na paliparang militar sa kapuluan. Nakapagtatakang sampung
oras matapos bombahin ng puwersang Hapones ang Pearl Harbor sa Isla
ng Oahu, hindi pa rin pinakikilos laban sa Hapon ang mga nakaambang
pandigmang eroplano sa mga paliparan sa Filipinas. Sabi nga,
Ten hours after the attack on Pearl Harbor, 200 Japanese aircraft based
on Formosa (Taiwan) flew over Clark Field on the Philippine island of Luzon,
the largest US air base in the world. They saw runways neatly parked with
the most modern bombers and fighters in the USAAF [sic], B-17s and P40s.
By 1 pm Japanese attacks on Clark and other Luzon airfields has destroyed
105 of the island’s 300 American warplanes for the loss of only seven of their
own. (Noble, 1999, p. 40)

4 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


Kasunod ng puwersang panghimpapawid ng Hapon ay ang hukbong-
dagat at sandatahang lakas nito na siyang nagsimulang lumusong sa mga
katihan sa kapuluan. Pinaluhod ang lokal na depensa hanggang marating
nila ang Kamaynilaan at sakupin ito sa unang linggo ng Enero 1942.
Sa pagtatangkang ipagtanggol ang huling sandigang Filipino sa Bataan,
isang awit ang sumibol ukol sa karanasang pakikidigma ng pinagsamang
hukbong Filipino at Amerikano laban sa Hapon.4 Maaaring batay na sa
lumang himig ang awit at nilapatan na lamang ng bagong titik upang maging
napapanahon at sang-ayon sa kasalukuyang karanasan. Narito ang tala ni
Carlos P. Romulo noong 1943:
We’re battling bastards of Bataan;
No Mama, no Papa, no Uncle Sam.
Hark! Ye brown-skinned men of might
Come from plain and hill.
Hark! The hour’s come to fight;
‘Tis the hour to kill!
CHORUS:
Sons of toil and liberty,
By that oath you swore,
Come, avenge this treachery,
Come, let’s march to war!
Drive this yellow Japanese,
From your sky and shore.
Yours is the power,
This is the hour,
Fight for victory! (p. 239)
Sa pagbubukas ng awit ay ang linyang “No Mama, no Papa, no Uncle
Sam.” Iniwan ng mga sundalo ang kanilang mga pamilya upang ipagtanggol
ang bayan. Dahil lubos na ang pagka-Amerikano ng Filipino sa panahong
ito, si “Uncle Sam” ay parte na ng kaniyang kamalayan. Masasabing awit din
ito ng mga Amerikanong kaagapay na nakipaglaban sa giyerang iyon.
Sa unang dalawang linya ng awit ay maipapakahulugan na nakaalis na sa
Bataan ang pamunuan nina Douglas MacArthur, Presidente Manuel Quezon,
at Bise-Presidente Sergio Osmeña. Katulad ng nakatala na sa kasaysayan,
nagapi ang pinagsamang puwersa ng Filipino at Amerikano. Si Maj. Heneral
Jonathan Wainwright na siyang itinalagang mamuno ni Heneral Douglas
MacArthur ay ginamit ng puwersang Hapon upang hikayating sumuko na
ang mga nananatiling pumipigil sa lubos na pananakop ng Hapon.

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 5


Makikita na sa simula pa lamang ng pananakop ay ginamit ang awit
bilang propaganda—sa kaso ng Hapon, upang ipagbunyi ang matagumpay
paglusob sa Filipinas, bilang patunay sa taglay na lakas militar. Sa kabilang
banda, ang awit ng mga sundalong Filipino at Amerikano ay may pakay na
paigtingin ang pakikipaglaban sa puwersang Hapon.
Gayumpaman, sa pagbabalik sa awit na “The Song of the Japanese
Forces in the Philippines,” ipinagbunyi nito ang tagumpay ng puwersang
hapon sa pakikidigma sa Mariveles, Bataan. Ito rin ang unang limbag na
awit na nagtala sa labanang naganap sa Bataan na sinundan ng Bataan Death
March.

Lupalop ng Magkakasamang Kasaganaan sa Lalong Malaking


Silangang Asya
Maraming diskurso ang
nakapaloob sa GEACPS,
ngunit iniwasan ang opisyal
(o limbag) na diskursong
mapaniil sa mga publikong
pagtitipon. Sa halip, idiniin
ng administrasyong militar
ng Hapon sa Filipinas ang
katulad ng sumusunod na
adhikain na makikita sa
ikalawang tomo ng Official
Fig. 2. Pabalat ng isang babasahin ukol sa GEACPS. (UP Main Journal of the Japanese
Library, Special Collections). Military Administration
noong 1942:

You have now entered upon a new era of re-construction


in this country. The re-construction which this country
requires now is two-fold: it is both in material and spirit…
you must eradicate all the fundamental evils… the people of
this country have long been taught by Americans to put
too much importance on the material side and physical
comfort in life…
The course which the Philippines should follow in the
future will be the course to escape from her former
position as a captive of the capitalism of the United
States to liquidate the unnatural culture borrowed
from a faraway country and the industrial organization

6 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


as a colony of a foreign power, to return to the original
features of an oriental people… (p. v-vi) (akin ang diin)
Hindi maitatanggi ang implikasyon ng pananakop sa katawan at
kamalayan. Sakit ang aktuwal na idinulot ng panimulang hakbang ng
pananakop sa sinakop. Hindi ito pumasok sa antas ng opisyal na diskurso at
nanatili lamang sa mga piitan at pasilidad na pandigma. Ang pagbabalik sa
Asyanong kultura sa aspektong materyal at espiritwal o kamalayan ang higit
na pinag-usapan sa mga pagtitipon at publikong panayam.
Upang mabago ang batayang kultura ng Filipino, mabilis na ipinataw
ang pagbabagong-kamalayan sa pamamagitan ng re-edukasyon. Maagang
binigyang-pansin ang halaga paaralan tungo sa pagtatagumpay ng
pananakop. Ang totoo, ika-20 pa lamang ng Enero 1942 ay nanawagan na
ang Administrasyong Militar ng Hapon na muling buksan ang mga paaralan,
partikular ang elementarya at sekundarya. Nakatala ang panawagang ito sa
unang tomo Official Journal of the Japanese Military Administration (1942,
p. 5).
Sa musika, makikita ang mga aklat na Japanese Song Series (2 tomo)
(n.d.) at Music Book Series (2 tomo) (n.d.) na inilabas ng Department of
Education, Health and Public Welfare, sampu ng mga limbag na awit sa
Shin-Seiki/BagongAraw/New Era at iba pang babasahin. Ikinalat din ang
mga aklat pangwika tulad ng Fundamental Japanese for Filipinos, at salin
nitong Mga Pang-unang Saligan ng Wikang Hapones ng Manila Shinbun-
Sya bilang batayan ng pag-aaral ukol sa kultura at wikang Hapon.

Fig. 3. “AIUEO No Uta.” Isang awit ukol sa wikang Hapon (Music Sheet, n.d.).

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 7


Ang “AIUEO No Uta” o ang “Awit ng AIUEO” ay isang paghimok upang
madaling maalaala ng Filipino ang kana o pantigan ng wikang Hapones
(Sheet Music, n.d.). Kasama ang laksa pang mga awit, ito ay isa lamang
halimbawa kung paano sinubukang pasukin ang kamalayan ng Filipino—
inalam ang hilig ng Filipino sa pag-awit, at dito inilapat ang batayan ng wika,
hindi sa romaji (pantigan sa kanlurang ispeling) kundi sa mismong tunugan
at isa sa tatlong batayan ng sistemang pagsulat (katakana, hiragana, kanji)
ng Nihongo o wikang Hapon. Bukod sa mga awit, maraming iba pang limbag
na babasahin ang inilabas ng administrasyong militar ng Hapones at mga
kaalyadong ahensiya na itinatag nito upang suportahan ang pangkulturang
tulak ng pananakop, upang madaliin ang pagbabago ng Filipino, partikular
sa paggamit ng wikang Hapon. Halimbawa nito ang mga imahen sa ibaba—
diksiyonaryo, sangguniang pangwika, at iskrip para sa radio ukol sa pag-
aaral ng wikang Hapon.
Ang iba pang midya na ginamit upang masakop ng kultural na kampanya

Fig. 4. Mga pabalat ng babasahin ukol sa wikang Hapon nakuha mula sa UP Main Library, Special
Collections.

ang buong lipunang Filipino ay ang sumusunod: mga babasahin katulad ng


magasin, mga leaflet at poster, mga anunsiyo sa bulletin ng mga asosasyong
pangkomunidad, sine, at radyo kung saan may nakatakdang mga programa
at oras sa pagtuturo ng wikang dayuhan.
Ang radyo ang isa sa mga modernong midya na mabilis na
nakapagpapakalat ng mensahe ng mananakop. Nariyan ang arawang
pagsasahimpapawid ng mga programang sinasagap mula sa Tokyo at iba
pang sakop na teritoryo/kolonya. Sa radyo rin ipinadaan ang maingat na
pagkontrol sa kilos ng katawan tuwing umaga sa Radio Taiso, iba pang
musikang Hapon, at mga leksiyon sa Nihongo. Dahil sa kakayahan ng radyo
na magpalaganap ng impormasyon, kinontrol din ng administrasyong
militar Hapon ang nilalaman ng mga mensaheng isinasahimpapawid

8 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


sa pamamagitan nito. Katunayan, ang lahat ng radyo ng mamamayan ay
inatasang isumite sa kinauukulan upang marekondisyon at mga opisyal
(pinahintulutan) na programa ang dapat lamang masagap nito. Lalong higit
ang kontrol sa may kakayahang magbrodkas ng mga programa sa radyo.
Ayon nga sa opisyal na anunsiyo noong ika-9 ng Enero 1942 sa Official
Journal of the Military Administration:
1. All the residents of the Philippine Islands are prohibited
from using amateur radio stations, irrespective of nationality
of the owner thereof. 2. All owners of amateur radio stations
are requested to register at the Headquarters of the Japanese
Imperial Forces at the Elk’s Club, Manila. 3. All who violate
the above will be severely punished. (p. 17).
Kasunod nito ang pagkontrol sa mga limbag na midya—diyaryo, magasin,
pamphlet, atbp., noong ika-7 ng Pebrero 1942, sa isa pang proklamasyon ng
Administrayong Militar ng Hapon (p. 12).
Fig. 5. Ang sumusunod na imahen
ay mula sa Abril 1943 sipi ng Shin
Seiki—Bagong Araw—New Era ng
Manila Shinbun-Sya (n.p.)

Ang mga babasahin o anunsiyo ukol sa kultural na propaganda ay


nakatanim sa mga aktibidad ng Propaganda Corps (sa ilalim ng Imperial
Japanese Forces), Nippon Bunka Kaikan, Kawanihan ng Pagbabalita at
Katiwasayang Bayan (ng Kagawarang Panloob—Maynila), Gun-Hodobu
and Manila Hosokyoku, Department of Information, New Philippines

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 9


Cultural Institute, at ang nabanggit nang Department of Education, Health
and Public Welfare.
Mula sa paglalabas ng mga batas na may kinalaman sa pagbabagong-
kultura ng Filipino, hanggang sa epekto nito sa mismong produksiyong
kultural na naging talaan ng kasaysayan ng panahong ito, ang musika ay isa
sa mga ginawang sentro ng diskursong mapanakop ng bansang Hapon.
Ang GEACPS ay tumatayo rin sa pakay ng bansang Hapon na alisin
ang impluwensiyang kultural (at pisikal!) ng mga bansang Estados Unidos
at Britanya sa Silangang Asya. Diskurso rin ito ng digmaang sinimulan ng
bansang Hapon laban sa mga binanggit na mananakop mula sa Kanluran.
Nang lumaon, sa ginanap na Tokyo Conference, binuo na ang naratibo ng
GEACPS batay sa pagkakasundo at paggabay ng liderato ng bansang Hapon.
Narito ang Joint Declaration ng mga bansang kaanib at inanyayahang
lumahok sa kumperensiya ng Greater East Asia sa Tokyo noong ika-5 at 6
ng Nobyembre 1943:
1. The countries of Greater East Asia, through mutual
cooperation, will ensure the stability of the region and
construct an order of common prosperity and well-
being based upon justice.
2. The countries of Greater East Asia will ensure the
fraternity of nations in their region by respecting one
another’s sovereignty and independence, and practising
mutual assistance and amity.
3. The countries of Greater East Asia, by respecting one
another’s tradition and developing the creative faculties
of each race, will enhance the culture and civilization of
Greater East Asia.
4. The countries of Greater East Asia will endeavor to
accelerate their economic development through close
cooperation upon a basis of reciprocity and to promote
thereby the general prosperity of their region.
5. The countries of Greater East Asia will cultivate friendly
relations with all the countries of the world; work for
the abolition of racial discrimination, the promotion
of cultural intercourse, and the opening of resources
throughout the world; and contribute thereby to
the progress of mankind. (“Greater East Asia Joint
Declaration,” 1943, p. 2-3)
Hindi na naging epektibo ang deklarasyong ito dahil pagkatapos ng
mabilis na pagsulong ng puwersang Hapon sa Silangang Asya noong 1942

10 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


ay unti-unti na ring nagbago ang kanilang kapalaran sa giyerang sinimulan.
Maaaring ginamit sa mga publikong talumpati ni Presidente Jose Laurel
at mga kasamang delegado sa kumperensiya—Claro M. Recto at Quintin
Paredes, ngunit sa kabila nito ay lumakas din ang pag-asa ng mamamayang
Filipino na babalik ang “tagapagligtas” na si Heneral Douglas MacArthur at
mga sundalo nito. Nasagap ang mga balita ukol sa napipintong pagbabalik
ng heneral sa pamamagitan ng shortwave na radyo na hindi rehistrado o di
reconditioned sa mga lokal na pamahalaang militar ng Hapon.
Ang pagsasanay ng Filipino sa “pagkakapatiran” sa loob ng Greater East
Asia Co-Prosperity Sphere ay hindi lamang sa antas na pisikal, kundi higit
sa pangkamalayang aspekto ng kampanya. Sabi nga, “the old idea of reliance
upon the U.S.A. and Great Britain shall be eradicated and, as Orientals,
the FiIipinos should elevate morals, think highly of labour and cure the
overemphasis on materialism” (The Official Journal, 1942, p.14). Kultural
ang punto ng diskurso ng GEACPS kung kaya’t nangailangan ito ng kultural
na midya at estratehiya upang mabilis na makamit ang pagbabago.
Nagsimula ang misyong kultural sa Filipinas na may pakay na ipakilala
ang kamalayang Hapon at tuklasin ang Asyanong batayan ng Filipinong
lipunan sa pamamagitan ng musika, wika, at mga pisikal na aktibidad.
Itinatag halimbawa ang New Philippines Cultural Institute sa Tagaytay na
parte pa ng Cavite noong 1943 upang maging pasilidad-pagsasanay, sa loob
ng tatlong buwan, ng mga Filipinong piniling maglingkod sa administrasyong
Hapon. Dumating naman sa bansa ang isang Nippon Musical Mission ilang
linggo matapos ang pagpapasinaya ng “malayang” Republika ng Filipinas
noong ika-14 ng Oktubre 1943 (Shin Seiki, Dec. 1943). Nasa kapuluan na
ang misyon noong ika-28 ng Oktubre, ngunit nagsimula itong magtanghal
noong umaga ng Nobyembre 14 sa Metropolitan Theater, kasama ang New
Philippines Symphony Orchestra na may 150 miyembro; ang sumunod ay
noong Nobyembre 20 na ginanap din sa Metropolitam Theater; at ang ikatlo
at panghuling pagtatanghal ay ginanap noong ika-21 ng Nobyembre sa Rizal
Fig. 6. Ang pagdating Nippon
Musical Mission noong ika-28 ng
Oktubre 1943 (Shin Seiki, Dec. 1943,
n.p.).

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 11


Memorial Stadium, kasama ang Philippine Constabulary Band at New
Philippines Symphony Orchestra, at mga musikong sina Alfonso Fresnido,
Felipe de Leon, Antonino Buenaventura, Daniel Fajardo, at may 300 mang-
aawit na umawit sa musikang “Grand March of the Free Philippines” na
likha ni Kosaku Yamada. (Ministry of Foreign Affairs Bulletin, 1943, p. 49-
50) Narito ang larawan nina Teruko Tsuji (lyric soprano), Ruriko Tominaga
(pianist), Yoiti Hiraoka (xylophonist), at Kosaku Yamada (conductor) nang
dumating sila sa kapuluan (Shin Seiki, Dec. 1943).
Gaya ng partisipasyon ng apat sa mga kilalang Filipinong musiko sa
Nippon Musical Mission (Fresnido, de Leon, Buenaventura, at Fajardo),
Fig. 7. Awit mula sipi ng isyung May
1944 ng Shin Seiki-Bagong Araw-New
Era (1944).

naging aktibo sa paglikha at pagtatanghal ang iba pang Filipinong musiko


tungo sa pagpupuno ng layunin ng GEACPS. Naging kasangkapan ang
musika bilang propaganda at tagahatid-mensahe ng pananakop. Makikita
halimbawa sa mga titik ng awit sa panahong ito ang pagsang-ayon sa
diskursong isinulong ng administrasyong militar ng Hapon.
Ang awit na “Tayo’y Magtanim” na likha ni Felipe de Leon ay
nagpapahiwatig ng kamalayang agrikultural. Isa sa mga Asyanong katangian
na pilit ibinabalik ng mananakop—ang pagmamahal sa manwal na gawain,
katulad halimbawa ng pagtatanim na lubos na kailangan sa panahong iyon
dahil sa lumalalang kakulangan sa pagkain sa kapuluan, partikular sa mga
siyudad. Isa lamang ito sa mga paksang isinulong sa mga awit na nakalimbag
sa mga sipi ng binanggit na pictorial magazine (Shin Seiki, 1943) na lumalabas
minsanan isang buwan. Upang maipakilala nang lubos ang mga batayang
pagbabago sa lipunan, kailangang putulin ang reperensiya ng Filipino sa
kaniyang kanluranin at rebolusyonaryong nakaraan (kolonyal na kamalayan
dulot ng kanyang Hispanisasyon at Amerikanisasyon, at rebolusyonaryong
alaala dulot ng di natapos na Rebolusyong 1896). Ipinagbawal una sa lahat
ang pag-awit ng “Himno Nacional” o “Lupang Hinirang” na simbolo ng

12 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


pagnanasang maging malaya. Sa halip, nilikha sa pamamagitan ng isang
patimpalak ang “Awit sa Paglikha ng Bagong Pilipinas” na ipinalit sa
pambansang awit. Mahigit 100 na pangunahing makata at manunulat ang
lumahok sa patimpalak ng Manila Shinbun-Sya para sa pagbuo ng mga titik
ng awit. Ang tula ni Catalino S. Dionisio ang nagwagi at hinirang na karapat-
dapat para sa pakay ng GEACPS. Ang musika ay nilikha naman ni Felipe de
Leon. Narito ang mga titik ni Dionisio:
AWIT SA PAGLIKHA NG BAGONG PILIPINAS
(Unang isinapubliko noong 20 Disyembre 1942)
Tindig, aking Inang Bayan
Lahing pili sa Silangan,
Iwaksi natin ang nakaraan,
Yakapin ang bagong buhay.

Hawakan ang Watawat


Ng pagpapakasipag;
Ibandila, iwasiwas
Ang pagbabagong-tatag.

Lakad at harapin
Pagtatanggol sa layunin;
Hirap, sakit ay tiisin
Upang makamit ang mithiin.

Gumawa, bumuo at magbata,


Itatag ang Silangang Asya;
Lupalop na maginhawa,
Kasaganaang sama-sama.
(KALIBAPI, n.d., n.p.)
Mapupuna na sa halip na soberanya ang mensahe, at bukod sa pagtatag ng
bagong bayan, naging sigaw ng “Awit sa Paglikha” (na kilala rin sa mga unang
titik ng awit na “Tindig, Aking Inang Bayan”) ang partisipasyon ng Filipino sa
pagbuo ng Lalong Malaking Silangang Asya. Sa halip na watawat ng bansa,
“watawat ng pagpapakasipag” at “pagbabagong-tatag” ang isisigaw nito. At
sa halip na kalayaan ng bansa mula sa mananakop ang dapat ipagtanggol ng
Filipino, “layunin” at “mithiin” tungo pagkakaisa at pagbuo ng “Silangang
Asya” ang tuon nito. Masasabing pasok na pasok ito sa diskurso ng GEACPS.
Makikita sa Fig. 8 ang musikang limbag at pabalat ng awit.
Sinasabi sa pabalat na nakaraan na ang isang taon mula nang simulan ng
bansang Hapon ang pagbuo ng Greater East Asia Co-Prosperity Sphere, at

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 13


sinisimbolo ng awit ang pagdiriwang ng unang taon ng pagkatatag nito. Ang
paglikha ng “Bagong Pilipinas” ay simbulo rin ng pagbabagong-kamalayan
ng Filipino, mula maka-Kanlurang pananaw tungong Asyano.
Suportado ng pamunuang Hapon at Filipino ang paglulunsad ng awit
sa Metropolitan Theater sa Maynila. Dinaluhan ito nina Punong Talastasan
Fig. 7. Nabuo sa pamamagitan
ng isang patimpalak ang musika
at titik ng “Awit sa Paglikha ng
Bagong Pilipinas”. Ginawa ng Manila
Shinbun-Sya ang patimpalak para sa
pag-alala ng unang anibersaryo ng
“Greater East Asia War.” Sheet Music
na inilimbag ng Manila Shinbun-Sya
(Shin Seiki-Bagong Araw-New Era,
1943, pp. 14-15).

Jitaro Kihara, Punong Jorge Vargas, at Pangulong Masao Matsuoka ng


Manila Shinbun-Sya (Shin Seiki, January 1943, p. 17).
Linggo ng umaga nang unang inawit ng mahigit 200 mang-aawit ang
“Awit sa Paglikha ng Bagong Pilipinas” noong ika-20 ng Disyembre 1942
Fig. 9. Makikita sa ibabang larawan
si Felipe de Leon na ikinukumpas
ang “Awit sa Paglikha ng Bagong
Pilipinas” sa paglulunsad nito
(specific citation).

(Shin Seiki, 1943, p. 15). Ayon sa teksto na kasama ng larawan kung saan
ikinokompás ni de Leon ang koro, ang mga mang-aawit ay kinabibilangan
ng pinakamahuhusay at sikat na tagatanghal sa mga teatro sa Maynila.
Sinaliwan ng isang orkestra ang pagtatanghal. Isinahimpapawid sa radyo
ang pag-awit, at sinabing mabilis itong naging popular (Shin Seiki-Bagong
Araw-New Era, 1943, p. 15). Binanggit nga sa artikulong “A Patriotic Song is
Born” ng Shin Seiki-Bagong Araw-New Era noong Enero 1943, na

14 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


Only a few days have passed since the launching of this new
song, but there are already many reports of its rapid spread
in the provinces, in all nooks of the Philippines. In places
where young people congregate, in spots when children
play, in fields where laborers toil—in all these places can be
heard being sung or hummed the “Song for the Creation of
New Philippines.” (p. 15)
Mahusay sa kultural na manipulasyon ang Hapon. Ang puwersa ng
200 mang-aawit ay nakamamangha na, ngunit ang kombinasyon ng 200
pinakakilala at tinitingalang artista ng entablado ay pambihira. Sa isang
lipunang madaling masilaw sa kinang ng mga bituin, ang 200 pinagsamang
mga idolo ay lubhang kahanga-hanga. Hindi nga kataka-takang tangkilikin ng
taumbayan ang awit ilang araw matapos itong awitin ng mga hinahangaang
artista. Bukod dito, malawak din ang sakop ng paglulunsad, kaagapay ng
teatro, inilunsad din ito sa radyo, at inilimbag sa mga magasin at diyaryo.
Ayon sa isang panayam kay de Leon, “hindi niya inakala na magiging tanyag
ang awit, na halos makakamit nito ang antas ng pambansang awit” (Samson,
1976, p. 116).
Ang ipinagbawal na “Pambansang Awit ng Pilipinas” (na kilala rin sa
pamagat na “Lupang Mapalad” mula sa mga unang titik ng salin sa Filipino)
ay pinayagan nang awitin at tugtugin matapos ideklara ang “kalayaan” ng
Filipinas noong 1943. Ang orihinal na mga titik ni Jose Palma sa wikang
Espanyol ay isinalin sa wikang Filipino ng Surian ng Wikang Pambansa.
Narito ang kontemporaneong salin:
PAMBANSANG AWIT NG PILIPINAS
Tugtugin: Julian Felipe
Lupang mapalad na mutya ng Silangan,
Bayang kasuyo ng sangkalikasan,
Buhay at yaman ng kapilipinuhan,
Kuha’t bawi na sa banyagang kamay.
Sa iyong langit, bundok, batis, dagat na pinaglupig,
Nalibing na ang karimlan ng kahapong pagtitiis,
Sakit at luha, hirap, dusa, at sumpa ng pag-amis,
Ay wala nang lahat at naligtas sa ibig maglupit.
Hayo’t magdiwang lahi kong minamahal
Iyong watawat ang s’yang tanglaw,
At kung sakaling ikaw ay muling pagbantaan
Aming bangkay ang s’yang hahadlang. (Music Book Series, No. 2, n.d., p. 1-2)

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 15


Katulad ng mas maagang pagbabawal sa publikong pag-awit at pagtugtog
ng “Himno Nacional,” ang panahon na pinayagan ang muling pag-awit nito
ay ipinalalagay na ligtas na sa usaping politikal. Mapapansin din na ito ay ang
unang pagsasalin ng awit sa wikang Filipino. Naisalin na ito sa maraming
bersiyon sa wikang Ingles, ngunit ang salin nina Mary Lane at Camilo Osias
na inilimbag sa Progressive Music Series, 1932 edisyon, ang tinanggap na
opisyal na salin sa wikang iyon. At gaya rin ng unang pagpapahintulot na
muling awitin ang himno, inakalang hindi na ito epektibo bilang panawagan
upang ipagtanggol ang bayan mula sa mananakop, dahil nagkaroon na ng
impresyong normal na ang takbo ng lipunan, kahit sa kabila ng katotohanang
nasa ilalim pa rin ito ng pananakop ng dayuhan at diktaduryang puwersa.
At ang salin sa kasalukuyang pagtatapos ng awit na “Aming ligaya na pag
may mang-aapi / ang mamatay nang dahil sa iyo” ay isinalin sa panahong
iyon na “At kung sakaling ikaw ay muling pagbantaan / aming bangkay ang
siyang hahadlang.” Nawala ang aktibong pagtatanggol para sa bayan, dahil
bangkay na ang haharap sa kaaway. Sa bersiyon ding ito ay, ang linyang
“muling pagbantaan” ay hindi sa Hapon nakaturo, kundi sa Amerikano,
dahil sila lamang ang nagbabantang magbabalik sa Filipinas upang “iligtas”
ang Filipino mula sa mga Hapon (Lane at Osias, 1932).
Matapos ang patimpalak kung saan hinirang na nagwagi ang mga titik ng
“Awit sa Paglikha ng Bagong Pilipinas” ni Dionisio, muling nagdaos ng isang
patimpalak ang Manila Shinbun-Sya. Sa pagkakataong ito ay isang martsa
naman ang itinanghal na nagwagi. Ang titik ng awit na “Martsang Bagong
Pilipinas” ay isinulat ni Ismael Blanco at ang musika ay nilikha ni Lucio D.
San Pedro. Itinanghal ito ng makalawang beses sa umaga at hapon ng ika-9
ng Abril 1943 sa Luneta. Sa paunawa ng magasin na Lingguhang Nippongo
(1943), nakiusap na dumugin ang palabas sa hapon dahil ituturo sa publiko
ang paraan ng pag-awit ng martsa. (Dahil ang musikang limbag na nakita
sa aklatan ng Unibersidad ng Pilipinas ay nakahiwalay sa pinanggalingang
babasahin, ang pagtantiya sa taon ng paglilimbag nito ay ibinatay sa
nakatalang curriculum vitae ng kompositor sa aklat na Contemporary
Filipino Composers ni Helen Samson, kung saan sinasabi na taong 1942–
1943 ginanap ang sinalihan at pinanaluhang patimpalak ni San Pedro para
sa kanyang “March-Hymn.”) Narito ang titik ng awit na tumatalakay sa
partisipasyon at karanasan ng bansang Filipinas sa GEACPS:
MARTSANG BAGONG PILIPINAS
Titik: Ismael Blanco
Musika: Lucio D. San Pedro
Ang layunin ng Bayan kong mahal
Ay lumaya nang lubusan

16 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


At ang Silangan ay sa taga Silangan,
Lupalop ng kasaganaan.
Bagong buhay sa Silangan
Ang naidulot sa atin ng Digmaan,
Saan man dako’y may kasiyahan
Pagkat mithi ay nakamtan.
At salamat araw ay sumikat,
Ang dilim ay dagling nagliwanag,
Iyan ang tanging pag-asa bukas
Ng ating Bagong Pilipinas. (Music Sheet, n.d., n.p.).

Martsa ng KALIBAPI
Ano ang KALIBAPI? Ang Kalibapi ay ang Kapisanan sa Paglilingkod sa
Bagong Pilipinas. Ayon sa Department of Public Information, ito ay may
pakay na “pagsisikap, paglilingkod, at pagkakaisang ukol sa Bagong Pilipinas”
(“Ano ang Kalibapi?,” n.d., p. 2) “Ang tagumpay ng Kalibapi ay tagumpay ng
ating Kasarinlan” (“Dai Atiw Kalibapi,” n.d. n.p.) ang ipinangalandakan ng
samahang Kalibapi. Ito ay pambansang ugnayang may kinalaman sa kultural
na paghahanda ng Filipino sa pagkakamit ng kasarinlang ipinangako ng
administrasyong militar ng Hapon sa pamamagitan ni Punong Ministro
Hideki Tojo. Ang paghahandang ito ay nangahulugan ng matinding
kolaborasyon ng Filipino sa Hapon.
Ang KALIBAPI ay pinamunuan ni Benigno Aquino, Sr. Masakop ang
papel ng organisasyon. Ayon sa opisyal na pahayag, sa Executive Order
No. 109, Section 3 (1942), na inaprobahan ng Administrasyong Militar ng
Hapones noong 4 Disyembre 1942, binuo ang Kalibapi para sa sumusunod
na mga pakay:
1. To render such services as will bring about the rapid
reconstruction of the Philippines and the rehabilitation
of its people…
2. To ensure a stable foundation for the New Philippines
by fostering (a) cultural, moral, spiritual, and economic
advancement of the people by giving encouragement
to the above-mentioned activities and by invigorating
in them such oriental virtues as hard work, faith,
self-reliance, loyalty, bravery, discipline, and self-
reliance; and (b) the development of a more sturdy and
vigorous race of Filipinos by attending to the physical
development of the people through a wise supervision
of physical exercise and wholesome recreational and

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 17


outdoor activities, particularly sports, and athletic
meets and contests;
3. To assist the Filipino people in fully comprehending the
significance of, and to strengthen their adherence to,
the principles of the Greater East Asia Co-Prosperity
Sphere;
4. To secure for the New Philippines its rightful place in
the Greater East Asia Co-Prosperity Sphere as a worthy
member thereof;
5. To adhere strictly to the policies of the Imperial Japanese
Forces in the Philippines in their administration and to
render service in the establishment of the Greater East
Asia Co-Prosperity Sphere; and
6. To do any and all acts which will facilitate the
reconstruction of the New Philippines, and contribute
to the advancement of the Greater East Asia Co-
Prosperity Sphere. (“Dai Atiw Kalibapi,” n.d., n.p.)
Narito ang mga titik ng opisyal na “Martsa ng KALIBAPI”:
DAI-ATIW NG KALIBAPI
Nang mayanig ang Silangan
At palisin ang kaaway,
Ang sa Pilipinas na buhay
Nagkamit ng kaningningan.
Kalibapi, kapisanan
Ng lahat ng mamamayan,
Walang tangi at lapian,
Isang lahi, Isang bayan.
Buong pagkakapatiran
Tulong-tulong, damay-damay.
Magpaunlad, magpalakas,
Limutin ang nakalipas,
Lisanin ang pankat-pankat
Ang ligaya’y panlahat.
Pilipinas, paunlarin
Isip nati’y pakislapin,
Ilog, bundok at bukirin,
Lahat ating pagyamanin. (Music Sheet, n.d., n.p.)

18 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


Narito naman ang musikang limbag:

Fig. 10. Kopya ng awit na “Dai-Atiw ng Kalibapi.” mula sa UP Music Library. (Dai Atiw ng Kalibapi, n.d.,
n.p.)

Makikita sa mensahe ng awit na malakas ang impluwensiya ng


diskursong Hakkō Ichiu o pagkakapatiran sa binubuong lalong malaking
Silangang Asya. Ngunit hindi lingid sa lahat na ang pagkakapatirang ito ay
nakabatay sa panlalamang at militaristikong paggamit ng bansang Hapon sa
raw materials mula sa iba’t ibang bansa sa Asya na sinakop nito.
“Tulungan, damayan, pagkakaisa”—mga ideang magpupuno sana sa
isang lipunang mayroong nag-iisang politikal na samahan. Mahihinuha
rin sa mensahe ng awit ang bakas ng New Order Movement na itinatag
sa bansang Hapon noong ika-12 ng Oktubre 1940 na nagbigay tuldok sa
magkakaibang politikal na samahan upang buuin ang nag-iisang politikal na
entidad sa ilalim ng bagong kaayusan ng lipunan (Hotta, 2013, p. xxiii).
Hindi inanunsiyo ang pangalan ng lumikha ng titik ng Martsa ng
Kalibapi. Sa pag-iimbestiga ng mga gerilyero, ang mga ebidensiya ay
nakaturo kay Benigno Ramos bilang may akda nito. Dahil daw sa pagtataksil
ni Ramos, napagkasunduan na ipapapatay ito sa tamang panahon. Ngunit
nalimutan ang banta nang dumating ang panahong malaya na ang Filipinas
mula sa pananakop ng Hapon (Agoncillo, 1965, p. 586-587).

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 19


Bukod sa mga lokal na likhang musika, marami pang inilimbag na nasa
wikang Hapon at salin nito sa wikang Ingles at Filipino na may layuning
makamit ang sumusunod:
1. Ipakilala ang kulturang Hapon—mula sa mga awit na limbag sa iba’t
ibang babasahin o magasin. (Kimigayo, Tenchoo-Setsu, Meiji-Setsu,
atbp.)
2. Maging katuwang sa pag-aaral at pagtuturo ng wikang Hapon—hal.
“Song of AIUEO,” “Hatsuon-Hyo” [pronunciation guide] at mga
aklat ng mga awit at musikang Hapon.
3. Ipaalala ang husay ng lakas militar ng bansang Hapon sa mga awit
na gunka—katulad ng “Gunkan Kooshinkyoku” [March of the
Warships], “Sooda Sono Iki” [The Spirit that Defends], at “Kurongane
No Chikara” [Strong as Iron]—mula sa Music Book Series, No. 2.
4. Pagtataas sa lahing Hapon— “Kokumin Singun Ka” (The Song of the
Nation’s March), “Aikoku Koshinkyoku” [Patriotic March], “Kozyo
No Tuki” [The Moon on the Ruined Castle],
5. Upang maging katuwang sa pisikal na disiplina—aklat ng Radio
Taiso Textbook for Instructors and Music Note for Radio Taiso.
6. Pagpupuri sa husay ng sundalo o lideratong Hapon—sa Martsa
Heneral Wati ni Francisco Buencamino, Sr., atbp.
Iba’t iba at malawak ang kultural na sakop at ang paksa ng mga
awit. Ngunit isa lamang ang segurado, kalkulado ang epekto nito upang
ipanghimok sa kamalayang binabago at hinuhubog. Sabi nga ni Kushner
(2006), hindi kailangang maging lohikal ang paghimok dahil ang punterya
nito ay ang emosyon at opinyon at hindi ang pagninilay May pakay din itong
magbahagi ng kaalaman tungo sa partikular na pakay (p. 4).

Katapusan
Sa pagtatapos ng digmaan, tinangka ng Filipino na burahin sa isip ang
bangungot na dala ng pananakop. Kasabay nito ay pilit kinalimutan ang
impluwensiyang dala ng pananakop ng Hapon. Ngunit dahil sa digmaang
ito, nagising nang bahagya ang Filipino na dapat pagyamanin ang sariling
kultura, wika at sariling literatura.
Halos kasabay ng dumating na kalayaan mula sa mananakop na Hapon
ay muli namang yumakap ang Filipino sa bisig ng dating kolonyal na
panginoong Amerikano. Sa kabila ng pagkakamit ng huwad na kalayaan
sa pamamagitan ng pagtatatag ng “puppet na gobyernong” Republika ng
Filipinas noong [Oktubre] 1943, pangarap pa rin ng Filipino ang “kalayaang”
may basbas ng Amerika.

20 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


Ang sintomas ng opisyal at muling manikluhod ng Filipino sa Amerika
ay nakatala at makikita sa NOTES on Post-War Reconstruction and
Rehabilitation ng Filipinas na inilimbag ng Bureau of Printing noong 1945.
Ayon dito:
1. The instruction in our schools should continue to
be in English. English classes should be taught by
Americans…
2. More American teachers, scholars and scientists
should be brought to the service of the government.
3. The study of American history and of American
institutions should be made more extensive and
intensive in our higher institutions of learning.
4. Philippine literature in English should be cultivated
and encouraged more and more among our men and
women of letters.
5. Scholars should be sent regularly to America to
pursue specialized studies in American universities.
(Confesor, 1945, p. 40)
6. The employment of foreigners other than American
in our private schools be strictly regulated to prevent
the entrance of subversive elements as teachers of our
youths. (Confesor, 1945, p. 40) (akin ang diin)
Noong 1945, nabawi nga ang pisikal na kalayaan mula sa Hapon, ngunit
bukas-bisig na inanyayahan ang Amerika bilang “panginoong tagapagligtas”
at ang kultural na bagaheng dala niya. Senyales ito ng pagsisimula ng
relasyong neo-kolonyal ng Amerika at Filipinas. Mula sa isang panginoon,
tungo sa dating panginoon.
Sa pagbabalik ng mga Amerikano, ang musika ay dagling humihip muli
ng kanluraning melodiya at ritmo. Ang pagtatangka ng imperyalistang
Hapon na baguhin ang Filipino ay naudlot sa maikling panahon ng
pananakop nito. Marahil kung umabot ito ng apat na dekada, katulad
ng naunang pananakop ng Estados Unidos, maaaring nanatili ang mga
pagbabagong tinangka nitong ipilit sa Filipino. Ngunit ang pag-iisip ng apat
na dekadang imposisyon ng pananakop ng Hapon ay masyadong malupit,
dahil ang pananakop na nagtapos pagkaraan lamang ng halos apat na taon
ay nagdulot ng pagkawasak sa kultural na pamana ng bansa na ipinundar
sa nakaraang apat na dantaon nitong kolonyal na kasaysayan sa ilalim ng
Espanya at Estados Unidos. Higit sa lahat, nagdulot at nag-iwan ito ng
walang lunas na dusa at sakit—pisikal, emosyonal, espiritwal—sa Filipino.

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 21


Sanggunian
AIUEO No Uta.”(n.d.). [Sheet music]. UP Main Library Special Collections. UP Diliman Main Library: Quezon
City.
Ano ang Kalibapi? [What is the Kalibapi?]. (n.d.). Manila, Philippines: Department of Public Information.
Awit sa paglikha ng bagong Pilipinas. (1942). [Sheet music]. Manila, Philipines: Manila Shinbun-Sya.
Agoncillo, T. (1965). The fateful years: Japan’s adventure in the Philippines, 1941-45, 2 Volumes. Quezon City,
Philippines: University of the Philippines Press.
Bataan death march. (N.d.). Retrieved from (https://en.m.wikipedia.org/wiki/Bataan_Death_March.
Cappia ken wayawaya (n.d.). Manila: Departamento ti Interior. UP Main Library Special Collections. UP
Main Library Special Collections. UP Diliman Main Library: Quezon City.
Confesor, T. (1945). Notes on post-war reconstruction and rehabilitation. Manila, Philippines: Bureau of
Printing.
Dai atiw ng Kalibapi. (n.d.). [Music sheet]. UP Main Library Special Collections. UP Diliman Main Library:
Quezon City.
Hotta, E. (2013). Japan 1941: Countdowm to infamy. NY, USA: Vintage Books.
Japanese song series, (book two). (n.d.). Manila, Philippines: Department of Education, Health and Public
Welfare.
Kalinaw ug kagawasan (n.d.). Manila: Departamento sa Interior. UP Main Library Special Collections. UP
Diliman Main Library: Quezon City.
Kapayapaan at kalayaan (n.d.). UP Main Library Special Collections. UP Diliman Main Library: Quezon
City.
Kushner, B. (2006). The thought war: Japanese imperial propaganda. Hawaii, USA: University of Hawai’i
Press.
Lane, M at Osias, C. (Trans). (1932). Himno Nacional. Progressive music series. New York, USA: Silver,
Burdett and Company.
Lupalop ng magkakasamang kasaganaan sa lalong malaking Silangang Asya. (1943). Maynila, Pilipinas:
Kawanihan ng Pagbabalita at Katiwasayang-Bayan Kagawarang Panloob.
Mojica, P. (1965). Terry’s hunters (The true story of the hunters ROTC guerrillas). Manila, Philippines:
Benipayo Press.
Music book series, 2 vols. (n.d.). UP Main Library Special Collections. UP Diliman Main Library: Quezon City.
Noble. (1999). The eventful 20th century: The world at war, 1939-45. Readers’ Digest. Barcelona, Spain:
Reader’s Digest.
Official journal of the Japanese military administration, Vol. 1. (1942). UP Main Library Special Collections.
UP Diliman Main Library: Quezon City.
Official journal of the Japanese military administration, Vol. 2. (1942). UP Main Library Special Collections.
UP Diliman Main Library: Quezon City.
Official journal of the Japanese military administration, Vol. 3. (1942). UP Main Library Special Collections.
UP Diliman Main Library: Quezon City.
Romulo, C. P. (1943). I saw the fall of the Philippines. NY, USA: Doubleday, Doran and Company.
Samson, H. (1976). Contemporary Filipino composers: Biographical interviews. Quezon City, Philippines:
Manlapaz Publishing Company.

22 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw


Shin seiki—Bagong araw—New era, January, 2603. (1943). Manila, Philippines: Manila Sinbun-Sya.
The greater East Asia joint declaration. (1943). Tokyo, Japan: Mainichi Shimbun-Sha. UP Main Library
Special Collections. UP Diliman Main Library: Quezon City.

Notes
1
Isang islogan na pandigmaan. Unang binanggit sa isang talumpati ang Hakkō Itiu [Ichiu] (“Eight
corners, one roof” or ayon sa talumpati, “universal brotherhood”) noong 29 Abril 1942. [hakkō ichiu—
“all the world under one roof.”] Makikita ang limbag na talumpati, “On the Auspicius Occasion of the
Celebration of the Emperor’s Birthday,” sa The Official Journal of the Japanese Military Administration, Vol.
3 (1942, pp. iii-vi)
2
Ang saling ito sa Filipino ay batay sa titulo ng monograpo na may parehong pamagat. Mula sa
Monograpo na Lupalop ng Magkakasamang Kasaganaan sa Lalong Malaking Silanganga Asya (1943).
3
Natapos ang giyera sa Filipinas noong 3 Setyembre 1945; 12 Setyembre sa Singapore at Malaysia;
13 Setyembre sa Thailand at Myanmar (Burma)]
4
Tinatayang 60,000 hanggang 80,000 ang sumukong puwersang Filipino at Amerikano, at mahigit-
kumulang 18,000 rito ang namatay sa Bataan Death March (“Bataan Death March, n.d.) .

RAUL C. NAVARRO, PhD is currently Professor and Chair of the Conducting and Choral Ensemble De-
partment of the University of the Philippines College of Music. In 2008, he received the National Book
Award (History Category) for his first book, Kolonyal na Patakaran at ang Nagbabagong Kamalayang
Filipino: Musika sa Publikong Paaralan sa Filipinas, 1898-1935, published by the Ateneo University Press
in 2007 (corresponding author: [email protected])

Plaridel • Vol. 14 No. 2 • July - December 2017 23


24 Navarro • Apat na Taong Pagsikat ng Nakakapasong Araw

You might also like